Mga pagmumuni ni Pilosopong Tasyo sa panahon ng matalinong makina
Naaalala nyo pa ba si Pilosopong Tasyo, yung karakter sa nobela ni Gat. Jose Rizal na “Noli Me Tangere” na “kaaiba” ang pananaw sa karaniwang tao pero malalim? Nung nakaraang linggo, inaalala naming malapit na ang kaarawan ni Rizal, kaya siguro naalala din namin si Pilosopong Tasyo: kung nabubuhay siya ngayon sa panahon ng AI, ano kaya ang masasabi niya tungkol dito? At lalo na, paano kaya niya mauunawaan ang sinasabi ni Pope Leo XIV sa Magnifica Humanitas? Ito ang napaglaruan ng isip namin bilang pakiki-happy birthday namin sa pambansang bayan natin. Sana’y sakyan ninyo ang malikot namin imahinasyon, at nawa ay maaliw kayo sa ibinunga nito.
Unang Bahagi: Ang taong gumawa ng makina
Isang umaga, nakaupo si Pilosopong Tasyo sa ilalim ng punong acacia sa liwasan. May hawak siyang lumang aklat sa isang kamay at isang tasa ng kapeng barako sa kabila. Lumapit ang isang binata.
“Ka Tasyo, may balita po ako.”
“Kapag balita, dalawa lang iyan, iho. Mabuti o masama.”
“Hindi ko nga po alam kung alin.”
“Kung gayon, maupo ka muna.”
Umupo ang binata. “Sabi nila, may mga makina na raw ngayon na marunong magsulat, sumagot ng tanong, gumawa ng kuwento, at magbigay pa ng payo. Ang tawag daw doon ay AI—Artificial Intelligence.”
Tahimik na humigop ng kape si Tasyo. Pagkaraan ng ilang sandali, nagtanong siya. “At ano naman ang ginagawa ng tao?”
Nagkamot ng ulo ang binata. “Eh… ginagamit po ang makina.”
Ngumiti si Tasyo. “Noong araw, ang tao ang gumagawa ng araro.”
“Opo.”
“Pagkatapos ay gumawa siya ng makinang pang-araro.”
“Opo.”
“Pagkatapos ay gumawa siya ng traktora.”
“Opo.”
“At ngayon, gumawa siya ng makinang marunong mag-isip nang kaunti.”
“Mukhang ganoon na nga po.”
Tumango si Tasyo. “Walang bago roon.”
Nagulat ang binata. “Walang bago?”
“Wala.”
“Pero di ba parang himala po iyon!”
Napatawa si Tasyo. “Mas himala pa rin ang utak na gumawa ng makina kaysa sa makinang ginawa ng utak.”
Napaisip ang binata. Maya-maya ay nagtanong muli.
“Kung gayon, hindi tayo dapat mabahala?”
Tumingin si Tasyo sa magbubuko na abalang nagibibiyak ng buko sa plasa.
“May tanong ako sa iyo.”
“Ano po iyon?”
“Kapag bumili ka ng matalim na bolo, ang unang iniisip mo ba ay kung matalim ito?”
“Hindi po.”
“Kung hindi iyon ay ano?”
“Kung sino ang hahawak.”
“Ayan.” Nakangiting sagot ni Tasyo. Tahimik muli ang binata, napatingin sa lupa, tila nag-iisip.
Pagkaraan ng ilang sandali, nagsalita si Tasyo. “Napansin mo ba, iho, na habang dumarami ang kaalaman ng tao, hindi naman nababawasan ang kanyang pagkalito?”
“Parang ganoon nga po.”
“At habang dumarami ang paraan ng pakikipag-usap, hindi rin nababawasan ang hindi pagkakaunawaan.”
“Totoo rin po.”
“At habang bumibilis ang lahat, parang wala nang oras ang tao.”
Napakamot muli ng ulo ang binata. “Bakit nga po kaya?”
“Sapagkat madaling gumawa ng mabilis na makina.”
“Opo.”
“Ngunit mahirap gumawa ng matalinong puso.”
Sa di kalayuan, tumunog ang kampana ng simbahan. Tumayo si Tasyo.
“Alam mo ba kung ano ang pinakamahalagang tanong sa panahon ninyo?”
“Ano po?”
“Hindi kung gaano katalino ang makina.”
“Hindi po?”
“Hindi.”
“Kung gayon, ano?”
Kunot ang noong umingin si Tasyo sa kulimlim na langit, at marahang sinabi: “Habang tumatalino ang mga makina, natatandaan pa ba ng tao kung ano ang ibig sabihin ng kamyang pagiging tao?”
At sa unang pagkakataon noong umagang iyon, walang naisagot ang binata.
Sa susunod: “Ang Lalaking Naging Numero” — kung saan ikinuwento ni Pilosopong Tasyo kung paano unti-unting nakalimutan ng isang bayan na ang tao ay higit pa sa kanyang halaga sa palengke.

<< Home