5 - MGA PAGMUMUNI NI PILOSOPONG TASYO SA PANAHON NG MATALINONG MAKINA
Ikalimang Bahagi: 'Ang bayan na nakalimot magsabi ng totoo'
Kinabukasan, mas maaga pa sa karaniwan, nakita ng binata si Pilosopong Tasyo sa ilalim ng acacia. Ngunit iba ang mukha ng matanda. Parang may iniisip na mabigat.
“Ka Tasyo,” sabi ng binata, “may problema po ba?”
Umiling si Tasyo. “Wala namang bago, iho.”
“Eh bakit parang sobrang seryoso kayo ngayon?”
Ngumiti si Tasyo nang bahagya: “Kasi may naririnig akong bagong klase ng salita sa bayan ninyo.”
“Anong salita po?”
“Content.”
Napakunot-noo ang binata.
“Eh… ano po ang problema sa content?”
Huminga nang malalim si Tasyo.
“Noong araw, ang tanong ay: Totoo ba ito?”
“Opo.”
“Ngayon, ang tanong ay: Nakakakuha ba ito ng pansin?”
Matapos palampasin ang isang motorsiklong humarurot sa harapan nila, nagpatuloy si Tasyo: “Iho, napansin mo ba?”
“Ano po?”
“Mas mabilis na ang balita ngayon kaysa dati.”
“Para nga po.”
“Pero mas mabilis din ang tsismis.”
“Ay, sinabi nyo po!”
“Mas mabilis ang impormasyon…”
“Opo!”
“Pero mas mabilis din ang kasinungalingan.”
Tumahimik ang binata. Nagsimula ng kuwento si Tasyo: “May isa raw bayan noon na may kakaibang salamin na hindi lang sumasagot sa tanong, kundi nagpapakita pa ng mga bagay na gusto mong makita. Kapag malungkot ka, ipapakita nito ang mga bagay na magpapainit ng loob mo. Kapag galit ka, ipapakita nito ang mga bagay na lalong magpapagalit sa iyo. Kapag natutuwa ka, ipapakita nito ang mga bagay na magpapasaya pa lalo sa iyo.
“Sa una, tuwang tuwa ang mga tao. ‘Ang galing! Alam ng salamin ang gusto natin! Nauunawaan tayo ng salamin!’ Manghang-mangha sila. Ngunit hindi nila napansin: Habang mas madalas nilang tinitingnan ang salamin… Mas madalang nilang tinitingnan ang mundo.
“Pero isang araw, napatanong na ang mga tao: ‘Bakit parang magulo ang lahat? Bakit parang dumadami ang mga nag-aaway? Ang daming impormasyon, pero ang daming hindi totoo. Ang daming video, pero ang daming peke. Ang daming sinasabi, pero ang hirap maniwala.”
Bumuntong-hininga si Tasyo at nagsalita: “Iyan ang nangyayari kapag ang bilis ay nagiging kapalit ng katotohanan.”
Tumingin si Tasyo sa binata. “Iho, tandaan mo ito.”
“Opo.”
“Ang impormasyon ay maaaring gawin o makuha sa isang pindot.”
“Opo.”
“Pero ang katotohanan ay hindi ganoon kadali.”
“Bakit po?”
Ngumiti si Tasyo. “Dahil ang katotohanan ay nangangailangan ng panahon. Panahon para mag-isip… para magtanong…. panahon para makinig. At minsan, panahon para magkamali muna bago matuto.”
Hinayaan ni Tasyong manahimik ang binata, bago nagpatuloy: “Iho, may tanong ako sa iyo.”
“Ano po iyon?”
“Kapag may nakita kang balita sa internet, paano mo nalalaman kung totoo?”
Nag-isip ang binata. “Kapag… maraming naniniwala?” Umiling si Tasyo. “Hindi.”
“Kapag maganda ang pagkakasulat?” Umiling muli si Tasyo. “Hindi rin.”
Tahimik sandali. “Kapag po galing sa sikat na source?” Umiling si Tasyo. “Hindi pa rin.”
Tumingin si Tasyo nang diretso sa binata. “Nalalaman mong totoo ang isang bagay… kapag handa kang magpabagal.”
Nagkamot ng ulo ang binata, at kunot-noong nagtanong: “Magpabagal po?”
“Oo. Magpabagal—para mag-isip. Magpabagal para magtanong, at magpabagal para makinig sa kabilang panig.”
Tahimik na nakatingin sa lupa ang binata. Huminga nang malalim si Tasyo. “Kasi kapag puro bilis lang ang mahalaga…”
“Ano po ang mangyayari?”
“Ang tao ay matututo nang maniwala nang hindi nagtatanong.
Tahimik ang binata. Nag-ring ang cellphone niya ngunit tila hindi niya ito narinig, at sa unang pagkakataon, napaisip siya: Hindi pala sapat na marami kang alam. Hindi rin pala sapat na mabilis ang sagot; dapat hindi ka apurado. Kailangan mo ring marunong huminto.
Tumayo si Tasyo, inayos ang kanyang baro, akmang pailas na, at nagsalita: “Iho, darating ang panahon na hindi ka na mahihirapan maghanap ng sagot…”
“Talaga po?”
“… pero mahihirapan kang malaman kung alin ang dapat paniwalaan.”
At habang naglalakad si Tasyo palayo, ang binatang naiwan sa ilalim ng acacia, ngayon ay hindi na lang nag-iisip tungkol sa makina… Binabalikan niya ang mga sinabi ni Tasyo tungkol sa katotohanan. (Itutuloy…)
Sa susunod: “Ang Mga Anak ng Makina at ang Nawawalang Pahinga”

<< Home