Saturday, July 11, 2026

7 - MGA PAGMUMUNI NI PILOSOPONG TASYO SA PANAHON NG MATALINONG MAKINA

 Ika-pitong bahagi:  ‘Ang kapangyarihan at ang mga tahimik na desisyon'


Isang hapon, nakita ng binata si Pilosopong Tasyo sa dating tagpuan nila, sa lilim ng acacia sa may plasa.  Pinanonood lang ni Tasyo ang mga dumadaang karwahe.  Pero ngayon, hindi karwahe ang pinag-uusapan ng bayan kundi mga bagong sistema pati na mga makinang “nagdedesisyon” nang hindi nakikita ang nag-uutos.


“Ka Tasyo,” simula ng binata, "parang ang dami na pong automated ngayon."


Hindi agad sumagot ang matanda.  Parang inaalam muna niya kung ano ang ibig sabihin ng “automated” sa tunay na buhay.  “Iho,” sabi niya sa wakas, “kapag sinabing automated… sino ang nawawala?”


Nagulat ang binata.  “Paano pong ‘nawawala’?” 


Ngumiti si Tasyo.  “Kapag may desisyon na ginawa ang makina… sino ang hindi mo na matatanong kung bakit ganoon ang naging pasya?”


Bahagyang ngumiti, pero walang maisagot ang binata.


May isang bayan daw noon, sabi ni Tasyo, na sobrang humanga sa salitang “efficiency.”  Sabi nila:  “Huwag na tayong makialam sa bawat desisyon. Mas magaling ang system kaysa tao.”


Kaya unti-unti, “system” na ang namahala.  Making hiring man o loan approval at school ranking, bahala na ang “algorithm” diyan.  Kahit polisiya, kaya na ng “data-driven system”.   


Sa una, gumaan ang trabaho ng mga opisyal.  Kumonti ang diskusyon, siyempre, mas kaunti rin ang away.  Higit sa lahat, nabawasan din ang pananagutan.


Ngunit may napansin ang isang guro, wika ni Tasyo.  “Sabi ng isang matandang guro: ‘Bakit parang wala nang humaharap sa tao?’  


Napatingin si Tasyo sa binata, tila sinisipat ang reaksyon sa mukha nito.  “Hindi isang bugtong ang kuwento ko tungkol sa nawawalang mukha, iho.  Pero tatanungin kita…”


“Ano po iyon?”


“Kapag may sistemang nagdesisyon na hindi mo makita ang nagdesisyon… kanino ka lalapit kapag mali pala ang desisyon?”


Napakamot ng ulo ang binata.  “Siguro po… sa Support?”


Umiling si Tasyo.  “At kung sasabihin din ng Support na ‘system decision lang po iyan’?"


Tahimik.  


Nagpatuloy si Tasyo.  “Kapag walang mukha ang kapangyarihan…”


“Ano po?”


“Walang humihingi ng paumanhin.  At kapag walang pangalan ang nagdesisyon…"


Tahimik ang binata.


“Walang tunay na pananagutan."


Tumunog ang kampana ng simbahan; nagtatawag na sa misa.  Tumayo si Tasyo, nag-inat-inat.  Pagdaka’y, “Iho, hindi problema ang teknolohiya.”


“Ano po ang problema?”


“Ang problema ay kapag ang tao ay nagtatago sa likod ng teknolohiya.”


Umupo muli si Tasyo.  “Sabihin mo nga sa akin."


“Ano po yon?”


“Bakit mahalaga na ang desisyon ay may taong may pangalan?”


Nag-isip ang binata.  “Para po… may pananagutan?”


 “Tama!” Napahataw si Tasso sa hita niya, “Dahil ang kapangyarihan na walang pananagutan…”.


May dumaang ambulansya, napatigil si Tasyo.  Ilang saglit pa, inulit niya, “Ang kapangyarihan na walang pananagutan… nagiging malamig!”


“Hindi ko po makuha, Ka Tasyo…” 


“Iho, darating ang panahon na sasabihin ng mga tao: ‘Hindi namin kasalanan, system lang iyon.’"


“Ano po ang mangyayari kapat nagkaganon?”


Ngumiti si Tasyo, pero seryoso ang mata.  “Mawawala ang tunay na pag-amin ng mali.  At kapag nawala iyon… mawawala rin ang pagkatuto.”


Tumayo si Tasyo.  “Tandaan mo ito, iho.”


“Opo…”


“Ang makina ay maaaring magdesisyon.”


“Opo.”


“Maaaring mali ako, pero sa tingin ko, ang tao lamang ang dapat managot sa desisyon.”


Tahimik na nakatitig ang binata sa lupa.


“Siya,” sabi ni Tasyo, “ako’y uuwi na,  Nagdidilim ang langit, wala kong dalang payong….”  


Naiwan ang binata na nagtatanong sa kanyang sarili:  “Oo nga, mabilis, ất maginhawang gamitin ang makina… pero saan nagtatago ang kapangyarihan kapag wala nang gustong humarap sa tao?”  (Itutuloy)